Ako si Irene, Laking Barangay Matahimik

Limang taon na rin mula nang lumipat kami ng bahay – sa mas malaki at maayos na bahay. Sariwa pa nga sa aking ala-ala kung gaano ko kasayang ikinakahon ang mga lumang gamit ko. Sobrang saya! Ikaw ba naman ang makaalis sa mabaho, marumi at napakasikip na lugar at lumipat sa higit na malaki at malinis na matitirahan, hindi ka pa ba sasaya?..Siguradong matutuwa ka rin!

Naalala ko pa nga, noong unang gabi ko sa bago kong kwarto, sa sobrang tuwa ko ay hindi ako agad nakatulog. Laking-laki talaga kasi ako sa kwarto namin. Samantalang doon sa lumang bahay namin sa iskwater ni hindi ko maiunat and braso at mga binti ko sa sikip. Hindi ko rin maikot ang katawan ko. Minsan, konti na lang ay maisusubo ko na ang paa ng kapatid ko. Haaayy..para talaga kaming sardinas. Mabuti na nga lang at may bentilador at medyo nabawasan ang aming paghihirap.

Pero minsan brown-out. At kapag brown out, walang silbi ang bentilador. At kapag day-off ni Binibining Bentilador, magpapaypay na lang kami. Ngunit, kapag ang kamay ay napagod sa kakapaypay, bahala na kung pagpawisan at magkasalu-salo kami ng amoy, basta makatulog.

Ang larawang ito ay mula sa http://www.urbanlandscape.org.uk. Hindi ko po ito pagmamay-ari.

Pero minsan hindi ka rin talaga makakatulog sa ganoong lagay. Kailangan kasi maging alerto dahil kapag madilim naglalabasan and mga kamag-anak ni Lupin III. Baka kasi magising ka na lang na wala na kayong gamit!!. Haaay, pero sabi ng matatanda ok na iyon kesa masunugan. Oo nga pala sunog, talamak din iyon sa iskwater. Lalo na kapag brown-out. Minsan kasi pag brown-out may biglang maririnig ka na lang na aleng sumisigaw ng “SunOoOOOog!!!”. Kapag naririnig ko ang sigaw na ‘yon na malakas pa sa wang-wang ng trak ng bumbero, nakakalimutan ko ang antok at pagod. Para akong nagiging si Darna. Lumalakas akong talaga. Nabubuhat ko ang mabibigat na bagay. Bumibilis din ang takbo ko. Mas mabilis pa nga kay The Flash. Buti na lang at hindi natutuluyang lumaki ang apoy. Maagap kasi ang mga kapitbahay namin. Minsan na kasing nasunog ang buong barangay kaya natuto na kami na h’wag mag-panic at sa halip tumulong sa pagpatay ng apoy kapag may sunog.

Iyon ang maipagmamalaki ko sa aming lugar – ang mga nakatira dito.Kaming mga may dugong iskwater ay maagap  maabilidad,maliksi at malakas. Sanay kami sa hirap ng buhay kaya alam namin kung papaano ito haharapin. Hindi rin kami ang mga tipong kanya-kanya. Tulong-tulong kami. Kapag may sunog makikita mo na ang lahat ng kalalakihan ng bawat bahay na may dala-dalang timba. Siyempre iyong may tubig. Tapos hihilera ang mga lalaki na parang may rasyon ng pagkain at pagpapasapasahan ang timba hanggang umabot sa dulo at ihahagis ang tubig sa apoy.At kapag napatay ang sunog magtitipun-tipon nanaman ang mga tsimosa ng barangay kahit hating-gabi at hayan, sa loob lamang ng isang minuto alam na kung bakit nagkasunog. Talo pa nila ang mga imbestigador sa bilis ng pag-alam ng dahilan ng sunog. Ang mga lumalabas na dahilan ay iba-iba. Minsan kapanipaniwala, minsan hindi. Kesyo nakalimutan daw patayin ang kandila at natumba. Minsan nag-away daw kasi ang mag-asawa dahil sa babae kaya nagkasigawan at nagkahagisan ng kandila. Hala? Pwede ba naman ‘yon?

Haay ang mga tsismosa nga naman. Hindi nga naman yan mawawala sa isang barangay. Lalo na sa iskwater. Dahil sa kanila bumibilis ang pagkalat ng balita, este ng tsismis pala. Dahil din sa kanila nagakakaroon ng away. Kaya nga sa barangay naming laging may nagsusuntukan at nagasasabunutan kahit hating-gabi. Pero may maganda din naming naidudulot ang mga taong iyon. Katulad na lamang kapag may sakit ang isang kapitbahay at naospital. Kapag naikalat na ang balita sa barangay, asahan mong marami ang dadalaw sa ‘yo sa ospital. Isa pang halimbawa, ay kapag nasa bahay ka lang at may sakit. Maya’t maya kakamustahin ka nila at kapag yung tipong natagpuan ka nila na mahihimatay na sigurado tatawag iyon ng ibang tao na makakatulong sa iyo. Pero hindi lang naman sila ang ganoon. Lahat naman kami sa may iskwater may pakialam sa kapit-bahay. Kapag may sakit ka pupuntahan ka talaga ng mga tao, tatanungin kung ano ang lagay mo. Kapag may achievement ka, halibawa first ka sa may quiz bee na sinalihan mo sa paaralan, pag uwi mo, may magkokongrats na sa ‘yo na mga tambay kahit hindi mo pa nakukuwento sa iba. Paano ba naman iyong isa mong ka-eskwela na nauna ng umuwi sa yo, naikuwento na ata sa lahat ang nangyari. Iyon nga ang hinahanap ko sa bagong tinitirhan namin ngayon. ‘Yong kapag masaya ka, lahat ng kabarangay nakikisaya. Kapag malungkot ka naman malungkot din sila. Dito sa bago naming tinitirahan, lahat ng bahay may bakod. Ang hirap tuloy nila kilalanin. Sa iskwater, mula ulo hanggang paa kilala nila kung sino ka.

Oo nga pala, sa iskwater na ‘yon ako pinaganak at nag-debut para lang malaman n’yo. Kaya naman napamahal na sa akin ang lugar na ‘yon. Tuwing ngang nagbibirthday ako dun lagi akong may bisita kahit hindi imbitado. Hay, ang mga tao dun mahilig talaga sa handaan.At sa libre!! Kuripot at matipid kasi ang mga tao doon, sa hirap kasi ng buhay dapat lang naman talaga maging ganoon kami. Pero kahit ganoon hindi kami makasarili. Higit kanino man, alam naming ang importansya ng pagtutulungan. Alam naming kung gaano kahirap ang maghirap na walang matakbuhan kaya pag nararamdaman namin na kailangan ng tulong ng kapit bahay kami na ang lalapit. Kahit ang mga tambay ganoon din. Akala mo walang pakialam sa buhay, pero meron din yan. May pakialam nga sila sa national events. Lalo na sa laban ni Pacquiao. Kapag nga may laban si Pacquiao tinitigil nila ang pagtatambay para manood ng laban.

HAaaay… Naalala ko tuloy ang mga gabi na kapag nanonood kami ng TV. Laging puno ang bahay namin. Kaunti lang kasi ang may TV doon noon. Parang piyesta sa bahay kapag telserye na. Naalala ko kung paano lahat ng kapit-bahay sa loob ng aming bahay tutok na tutok kapag kapana-panabik na ang eksena. Kapag madrama na, kanya-kanyang pasimpleng punas ng luha. Sabay asar sa katabi “Uuuyyy..umiiyak s’ya.”. Aysus! akala mo naman siya hindi. Sabay-sabay din ang tili kapag nagkakabarilan na. Lahat din sila gusto yatang sumali sa eksena at nakikisabat sa usapan ng bida at kontrabida. Lahat din sila gustong pumasok sa kahon na telibesiyon at bugbugin ang kontrabida.Ngayon, sa bagong tinitirhan namin tahimik kapag primetime bida na. Wala na ang mga nakikinood. May TV halos lahat ng bahay .

Masaya ako na maayos na ang aming bahay pero nakakamiss lang makasama yong mga simpleng tao na may simpleng kaligayahan. Iyon bang mga tao na abutan mo lang ng isang basong coke ay masaya na.

Ang totoo ang pagtira sa iskwater ng 18 taon ang humubog sa kung anong klaseng tao ako ngayon. Medyo jologs nga ako kung magsalita.Pero higit doon ako ay matapang at matatag. Marami ring nagsasabi na simple lang daw ako. Hindi iyon kataka-taka sa isang tulad ko na maraming nasaksihang paghihirap sa paligid ko. Kaya nga rin siguro masipag ako mag-aral. Salamat sa iskwater na nagturo sa akin na pahalagahan ang mga bagay na meron ako, tulad ng pagkakataong makapag-aral. Marami man sa aming barangay ang bulakbol,higit na marami naman ang matiyaga sa pag-aaral. Sa katunayan, sa mga kaedad ko tatlo kaming naging Cum Laude at isang Magna Cum Laude. O ha!Tingnan mo iyan!Samantalang salat kami sa mga bagay na kailangan sa pag-aaral. Salamat din sa iskwater na siyang nagturo sa akin kung ano ang diwa ng pagtutulungan, pagdadamayan at bayanihan. Mabuhay ang Barangay Matahimik sa Puerto Princesa na aking kinalakihan!Hindi man kaaya-aya ang lugar na ito sa paningin ng ilan, ang lugar na ito ay punong-puno naman ng leksyon ng tunay na buhay.

Oo nga pala, ginigiba na ‘yong mga bahay doon. Sana maayos ‘yong lilipatan nila. Mawala man ang Barangay na iyon. Mananatili sa aking ala-ala ang mga karanasan na hindi lang lungkot at saya ang hatid ngunit pati aral patungkol sa buhay.

_______________________________________________________________________________________________________

Ang akdang ito ay aking lahok sa patimpalak ng Saranggola Blog Awards 2012. Hindi man mapili o manalo, masaya na ako na baguhin ang ilang paniniwala ng mga tao sa mga lugar na tulad nang sa amin.

Kasama sa pagpapalipad ng Saranggola ang mga sumusunod na Sponsors:


6 thoughts on “Ako si Irene, Laking Barangay Matahimik

  1. Saludo po ako sa inyong lugar at kalugar…natira din po ako dyan sa brgy.matahimik ng bata pako mga ilang taon din,tanda ko sa likod kmi ng ice plant before.good luck po sa entry mo:-)…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s